muli

muling binalot ng lumbay ang gabi
pagkagat ng pangungulila
sa kung anumang di matukoy ng diwa
ni ng damdaming nauupos.

ako'y nangangamba't balisa sanhi ng dilim ng unos
subalit sa bawat patak ng luha ng langit
nakadarama pa rin ako ng kalingang handog nito
at ang pakikiramay niya sa aking pagluluksa
habang pinaglalamayan ko ang pagal na katawan
at pilit binubuhay muli ang pusong nakalimot tumibok.

ang katahimikang nakabibingi'y
patuloy na di maliliwanagan ang mga palaisipang
walang humpay sa paurong-sulong na pagtakbo
upang manggulo ng katinuan
at di maisalarawan ang tunay na emosyon.

tila bilang na ang pagsapit ng paghuhukom
na anumang oras ay sasambulat sa sanlibutan
datapwat, kahit na hindi tumigil ang pag-inog ng buhay ng iba
sa nakatakdang pagkagunaw ng mundo ko,
handa akong malunod sa muling kabiguan.

exhaled by milbenski at 3:27 AM on Tuesday, February 27, 2007 | 0 comment(s)

0 burp(s):

Post a Comment

<< Home